MANILA, Philippines - Napanatili ng NLEX at Cebuana Lhuillier ang 1-2 posisyon sa PBA D-League Foundation Cup nang manalo sa kanilang hiwalay na laro kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 20 puntos at 10 rebounds si Clifford Hodge upang pangunahan ang nagbabagang laro ng kumpletong Road Warriors tungo sa 86-53 dominasyon sa Jr. Powerade tungo sa ikatlong sunod na panalo.
Sina Calvin Abueva at Ian Sangalang ay nagbalik matapos ang pagliban sa huling laro upang samahan ang San Sebastian sa isang invitational tournament, nagtambal ang dalawa sa 14 puntos para mas lumalim ang arsenal ni coach Boyet Fernandez.
“Maganda ang depensa kaya kahit nagkumpiyansa sa first period ay nanalo kami ng malaki,” wika ni Fernandez.
Humugot ng double-double na numero ang Gems kina Vic Manuel (18 puntos at 10 rebounds) at Pari Llagas (13 puntos at 12 rebounds) para bigyan ang Gems ng 84-72 panalo sa Café France.
Naglaro na rin sa unang pagkakataon si Lester Alvarez at naghatid siya ng 10 puntos, 3 assists at 3 steals para makatulong sa paghablot ng tropa ni coach Luigi Trillo ng ikalawang dikit na tagumpay.
Winakasan naman ng RnW Pacific Pipes ang dalawang sunod na kabiguan nang itakas ang 69-67 panalo sa Boracay Rum.
Naipasok ni Raymond Ilagan ang jumper may 1.7 segundo sa orasan upang makatikim na rin ng panalo si rookie coach Alfredo Jarencio at bumagsak ang Waves sa 0-2 karta.