MANILA, Philippines - Susukatin ng NLEX ang husay ng Junior Powerade sa tagisan ng mga wala pang talong koponan sa pagpapatuloy ng PBA D-League Foundation Cup ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Angat ang Road Warriors sa siyam na katunggaling koponan sa 2-0 karta pero nakadikit ang Tigers sa 1-0 baraha.
Bagamat binubuo ng mga collegiate players, ang tropa ni coach Ricky Dandan ay humirit ng 84-79 panalo laban sa Blackwater Sports noong nakaraang Martes.
“Hindi mo sila puwedeng biruin dahil ang tinalo nila ay beteranong koponan. Dapat ay hindi magkukumpiyansa ang mga bata,” wika ni Road Masters coach Boyet Fernandez.
Ang larong ito ay pangalawa sa triple-header game at mapapanood matapos ang unang tagisan sa pagitan ng RnW Pacific Pipes at Boracay Rum sa ganap na ika-12 ng tanghali.
Hindi pa nakakatikim ng panalo ang bagitong coach na si Alfredo Jarencio matapos ang dalawang laro at huling dumapa sa NLEX, 63-77, sa isang pisikal na labanan.
Nagkasuntukan ang manlalaro ng magkabilang kampo at si Barnett Rogado na sinuntok si Garvo Lanete na nagresulta sa bench clearing, ay napatalsik sa laro at inaasahang suspindido sa larong ito.
Ang iba pang kaparusahan ay inaasahang maihahayag matapos dinggin ni PBA Commissioner Chito Salud sina Lanete, Cliff Hodge, Jaypee Belencion, Woody Co at Borgy Hermida na kanyang ipinatawag sa kanyang tanggapan ngayong umaga.
Ikalawang sunod napanalo din ang hanap ng Cebuana Lhuillier sa Café France na siyang huling laro sa alas-2 ng hapon.
Galing sa 70-58 panalo ang Gems sa Boracay Rum sa unang asignatura pero hindi sila nakakasiguro sa Bakers na lumasap ng masakit na 73-74 pagkatalo sa Big Chill noong nakaraang Huwebes para sa 1-1 baraha.
Hindi pa rin magagamit ni coach Luigi Trillo sina center Yousef Taha at bagong pointguard Lester Alvarez pero naririyan pa rin sina Kevin Alas at Vic Manuel na nagtala ng pinagsamang 36 puntos sa unang panalo.