Bolts may liwanag pa

MANILA, Philippines - Sa kabila ng pagkalusaw ng kanilang 22-point lead sa first period at 19-point advantage sa third quarter, nakabalik pa din sa kanilang porma ang mga Bolts sa final canto para pansamantalang ma­kaiwas sa maagang bakasyon.

Tinalo ng Meralco ang Air21, 101-91, tampok ang 34 points, 10 rebounds, 1 assist at 2 steals ni balik-import Earl Barron sa elimination round ng 2012 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart-Araneta Coliseum.

“We wanted to hit four games,” ani coach Ryan Gregorio, nakahugot ng 16 markers at 10 boards kay Asi Taulava na bumantay kay naturalized import Marcus Douthit.

May 4-5 rekord ngayon ang Meralco sa ilalim ng nagdedepensang Talk ‘N Text (5-2), B-Meg (5-3), Barangay Ginebra (4-3), Powerade (4-3), Barako Bull (4-4) at Alaska (4-4) kasunod ang Air21 (3-5), Petron (3-5) at Rain or Shine (3-5).

Kasalukuyan pang nag­lalaro ang Tigers at ang Aces habang isinusulat ito.

Itinayo ng Bolts ang 22-point lead, 28-6, sa 1:19 ng first period mula sa isang three-point shot ni Sol Mercado at ipinoste ang isang 19-point advantage, 72-53, sa 2:16 ng third quarter bago nakadikit ang Express sa 80-84 agwat sa 4:54 ng final canto sa likod nina Douthit, Jojo Duncil at Ren-Ren Ritualo, Jr.

Isang 10-2 atake ang ginawa nina Barron, Mercado at Mac Cardona upang ilayong muli ang Meralco laban sa Air21 sa 94-82 sa 3:16 ng laro.

Sa huling 3:26 napatalsik sina Mercado at Duncil matapos matanggap ang kani-kanilang ikalawang technical foul.

 Samantala, pinatawan ng PBA Commissioner’s Office si Petron Blaze import Will McDonald ng multang P20,000 dahil sa kanyang pambabato ng bola sa ulo ni Mick Pennisi ng Barako Bull sa kanilang laro noong Miyerkules.

 Walang suspensyon na ibinigay sa 6-foot-11 na si McDonald.

Show comments