MANILA, Philippines - Tatangkain ni Marikina City Mayor Del de Guzman na palaganapin ang puno sa Marikina Watershed gamit ang inoorganisang patakbo.
Sa Abril 22 isasagawa ang Del Run o Marikina Marathon at ang layunin ng karera ay makalikom ng pondo na ipambibili ng binhi na itatanim sa nasabing watershed upang patuloy na maprotektahan ang Siyudad sa malawakang pagbaha tuwing rumaragasa ang malakas na ulan.
“Hangarin namin na makapagtanim ng 50,000 puno sa Marikina Watershed na siyang last line of defense kapag tag-ulan. Nananalig ako na marami ang makikiisa sa patakbong ito para maabot namin ang aming goal,” wika ni Mayor de Guzman nang maging bisita sa PSA Forum sa Shakey’s UN Avenue kahapon.
Bukas ang patakbo sa kalalakihan at kababaihan at maglalaban-laban ang mga ito sa 21-K, 10-K at 5-K distansya.
Tatanggap din ng premyo ang mangungunang tatlong runners na tatapos sa bawat kategorya habang special awards naman ang ibibigay sa unang tatapos sa 5K na edad 10 taon pababa at sa mangungunang 10K at 21K sa mananakbong edad 60 pataas. (AT)
Puwede ring lumahok ang mga dayuhang mananakbo tulad ng mga Kenyans pero hindi sila puwede sa mga pa-premyong ipamamahagi dahil ikonokonsidera sila bilang guest entries lamang.
Ang patakbong magsisimula at magtatapos sa Marikina Sports Park ay suportado ng Rotary Club Zone ng Marikina, DENR, Meralco, SM Marikina, Manila Wter, Philil Morris Tobacco Corporation, Arms Corporation, Delfi Foods, Puregold at Milex Construction.