Balce sinibak si Amistad, pasok sa main draw ng Mitsubishi netfest

MANILA, Philippines - Tinalo ni Mia Bernadette Balce ang kababayang si Andrea Nicole Amistad, 6-0, 6-3, upang umusad na sa main draw sa girls single sa 23rd Mitsubishi Lancer International Junior Tennis Championships na nagdaos kahapon ng qualifying round sa Rizal Memorial Tennis Center.

Dahil siyam lamang ang nagpatala sa quali­fying round kaya’t ang laro sa girls division kahapon ay pawang mga finals na.

Si Balce na edad 14, ang magiging ikapitong lahok ng Pilipinas sa main draw na magbubukas ng aksyon sa Martes (Marso 20) sa nasabing venue.

Sina Marian Jade Ca­pa­docia, Samantha Coyiu­to, Maria Angela Sunga, Roxanne May Resma, Jasmine Ho at Marinel Rudas ay kasali bilang wild cards.

Naghahabol naman sa puwesto sa boy’s singles ang 13-anyos na si Vince Russel Salas nang talunin ang fifth seed na si Zhu Zhi-cheng ng China, 6-4, 6-3.

Si Salas lamang ang Pinoy na pinalad na manalo sa laro kahapon sa boy’s division dahil nasibak na sina 10th seed Jacob Lagman, Arc Dolorito, Vernon Angelli Huibonhoa, Jeremiah Latorre at Eric Olivarez Jr.

Hindi napangatawanan ni Lagman ang kanyang seeding laban kay Zhu Jia-cheng nang lasapin ang 4-6, 0-6, pagkatalo.

Yumukod si Dolorito kay Brian Alexander Poynter ng USA, 2-6, 3-6, si Huibonhoa ay sibak kay Nikko Madregallejo ng USA, 2-6, 0-6; si Latorre ay natalo kay Nicholas Agritelley ng US, 3-6, 1-6; at si Olivarez ay pinagpahinga ni David Hohan ng Australia, 6-7 (4), 1-6.

Ang babandera sa boy’s division ay sina Ju­ren­ce Zosimo Mendoza, Deo Talatayod, Kirk Steen Rebu­yas at Kyle Parpan na mga wild card entries ng host country.

Show comments