MANILA, Philippines - Gumawa ng kanyang season high na 33 puntos si Leo Avenido upang pangunahan ang 86-78 panalo ng San Miguel Beermen laban sa Bangkok Cobras na nagtagisan kahapon sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) na ginawa sa Chulalongkorn University sa Bangkok, Thailand.
Ang marka na ito ni Avenido na bumanat pa ng anim na tres, ang pinakamataas na nagawa niya bilang isang Beermen upang bigyan ang koponan ng ikalimang sunod na panalo at manatiling nakakapit sa ikalawang puwesto sa 10-3 baraha.
Si Dalron Johnson ay mayroong 20 puntos at sila ni Avenido ay nagsanib sa 32 puntos sa first half para tulungan ang bisitang koponan na makalayo sa 43-33 kalamangan.
Lumawig ito sa 66-53 sa ikatlong yugto dala ng tatlong tres pa ni Avenido habang si Aries Dimaunahan ay nagpakawala ng dalawang tres tungo para itala ang pinakamalaking kalamangan sa laro na 19 puntos, 81-62.
Nag-ambag pa ng 12 puntos si Jarrid Famous habang si Dimaunahan na nagbabalik-aksyon matapos silbihan ang one-game suspension ay may 10 puntos mula sa bench.
Nanguna sa home team si George Travis sa kanyang 20 puntos habang si Marvin Curz ay naghatid ng 16, may 15 puntos, 12 rebounds, 8 assists at 2 steals si Gentry Lewis habang si Jai Reyes ay tumapos taglay ang 14 puntos.
Solido man ang kontribusyon mula sa apat na inaasahan ay hindi pa rin ito sapat para pigilan ang pagkatalo na tumapos sa 2-dikit na panalo ng expansion team ng Thailand at malaglag sa 5-7 karta.