DALLAS - Kahit sino ang ipabantay ng San Antonio Spurs kay Dirk Nowitzki ay hindi mapigilan ang 7-foot All-Star sa paggawa ng puntos para sa Dallas Mavericks.
“He probably doesn’t get enough credit for being the competitor that he is, and for being so tough-minded,” sabi ni teammate Lamar Odom kay Nowitzki.
Umiskor si Nowitzki ng 27 points para pangunahan ang defending NBA champion Mavericks sa 106-99 paggupo sa Southwest Division-leading Spurs para sa kanilang ikatlong sunod na panalo.
Hindi pinahintulutan ng Dallas na malamangan sila ng San Antonio matapos ang 2-all.
Isang 20-foot jumper ni Nowtizki ang nagbigay sa Mavericks ng isang 10-point lead kontra sa Spurs sa third quarter.
Nakadikit ang San Antonio sa 5 puntos buhat sa isang 3-pointer ni Manu Ginobili sa ilalim ng 3:00 minuto sa fourth quarter kasunod ang kinuhang 8 puntos ng Dallas patungo sa kanilang tagumpay.
Nagsalpak sina Jason Kidd at Nowitzki ng magkasunod na 3-pointer para ibigay sa Mavericks ang 90-77 bentahe.
Nag-ambag si Jason Terry ng 17 points para sa Dallas kasunod ang 16 ni Rodrigue Beaubois.
Tumipa naman sina Tim Duncan at Danny Green ng tig-17 points para sa Spurs, nagmula sa 114-105 panalo laban sa Oklahoma City noong Biyernes.