NEW ORLEANS — Kumolekta si point guard John Wall ng 26 points at 12 assists sa 99-89 panalo ng Washington Wizards laban sa New Orleans Hornets ilang oras matapos masangkot sa isang multiplayer deal sa NBA trade deadline.
Humugot si Roger Mason ng 17 sa season-high 19 points sa second half para wakasan ng Wizards ang kanilang three-game skid.
Nagbida naman si Chris Kaman mula sa kanyang 20 points para sa Hornets, nakabangon buhat sa isang 16-point deficit para maagaw ang unahan sa fourth quarter bago nagsalpak si Mason ng tatlong 3-pointers sa 13-0 atake ng Washington.
Samantala, dinala ng Washington sina guard Nick Young at centers JaVale McGee at Ronny Turiaf sa Denver bilang bahagi ng isang three-team deal.
Sina Nene, JaVale McGee at Marcus Camby ay ilan lamang sa mga sentrong nakahanap ng bagong koponan bago ang trade deadline.
Ibinigay ng Denver si Nene sa Washington, habang dinala ng Wizards sina McGee at Turiaf sa Nuggets at si Young sa Los Angeles Clippers.
Sa Orlando, pumayag naman si All-Star center Dwight Howard na patuloy pa ring maglaro sa Magic.
Hindi na ginamit ni Howard ang termination option sa kanyang kontrata at sa halip ay ipagpapatuloy ang kanyang paglalaro sa Orlando hanggang sa 2012-13 season.
“Now we can get back to playing basketball and having some peace and trying to win a championship,” sabi ni Howard. “I feel like we have a chance to win and I didn’t feel like either one of us should give that up.”
Pinakawalan naman ng Los Angeles Lakers si veteran guard Derrick Fisher para makuha si Ramon Sessions buhat sa Cleveland Cavaliers.
Si Fisher ay napunta sa Houston Rockets, samantalang sina swingmen Stephen Jackson at Richard Jefferson ay nasangkot sa Spurs-Warriors deal at nasambot naman ng New Jersey Nets si Gerald Wallace galing sa Portland.