MANILA, Philippines - Kung gaano kalakas ngayon ang Cebuana Lhuillier ay makikilatis sa pagharap ng koponan laban sa Boracay Rum sa pagpapatuloy ng PBA D-League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Kumuha si Gems coach Luigi Trillo ng mga bagong mukha upang isama sa mga inaasahan para mapagtagumpayan ang misyong mapanalunan ang kampeonato sa ikatlong taon sa liga.
Nasa koponan na sina Lester Alvarez, Raymond Maconocido, Bacon Austria, Simon Atkins, Jeck Apinan at Janus Lozada upang isahog sa mga kamador na sina Vic Manuel at Kevin Alas at manatiling title contender sa conference.
“Sa tingin ko ay buo na ang team,” wika ni Trillo na hindi na magagamit sa ligang ito ang mahuhusay na guards na sina Terrence Romeo at Jai Reyes.
Solido ang Waves na sasalang sa conference dahil ang manlalarong nagtulung-tulong upang ihatid ang koponan sa semifinals sa nagdaang conference ay magbabalik sa liga.
“Hindi madali na kalaro ang Cebuana at dapat ay hindi magpapabaya ang mga bata sa kabuuan ng 40-minute game,” wika ni Chongson na aasa kina Fhadzmir Bandaying, Maclean Sabellina, Kenneth Acibar, Ezer Rosopa at Jeff Morial.
Unang laro ay sa pagitan ng Café France at bagitong Erase Plancenta sa ganap na alas-2 ng hapon at walang itulak-kabigin sa dalawang ito dahil kapwa magnanais silang magkaroon ng magandang pagbubukas sa ikalawa at huling conference ng liga sa 2011-12 season.