CHICAGO--Bagamat kumamada para sa Chicago Bulls, hindi pa din naitago ni Derrick Rose ang pagkadismaya matapos ang laro.
Naglista si Rose ng 32 points, 6 rebounds at 7 assists para pangunahan ang Bulls sa 104-99 paggiba sa Knicks para sa kanilang pang-10 panalo sa huli nilang 11 laro kasabay ng pagpapatikim sa Knicks ng ikaanim na kamalasan.
Nagposte si Rose ng malamyang 12-for-29 fieldgoal shooting mula na din sa depensa ng Knicks.
“I’ve got to be the only superstar in the league that’s going through what I’m going through right now,” sabi ni Rose sa pagiging pisikal sa kanya ng mga Knicks.
Nakuha ng Bulls ang panalo sa kabila ng hindi paglalaro nina injured starters Luol Deng at Richard Hamilton bukod pa kay reserve CJ Watson.
Nagdagdag naman si Taj Gibson ng 15 points at team-high 13 boards para sa Chicago, humakot ng 56 rebounds kumpara sa 38 ng New York.
Umiskor si Carmelo Anthony ng 21 points para sa Knicks, habang may 20 si Amare Stoudemire. May pinagsamang 7 points lamang sina Anthony at Stoudemire sa kabuuan ng fourth quarter.
Naglista si Jeremy Lin ng 15 points at 8 assists para sa Knicks ngunit may 4-of-11 fieldgoal shooting.