MANILA, Philippines - Nanawagan ang Philippine National Shooting Association (PNSA) kay Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richie Garcia na aprubahan na ang pagpapalabas ng pondo para sa computerization ng kanilang shooting range.
Sa hanay ng mga bansang lumalahok sa Southeast Asian Games, tanging ang Pilipinas na lamang ang wala pang electronic shooting range.
“Ang dinadalangin namin ay magkaroon kami ng electronic shooting range,” wika ni PNSA president Mikee Romero kay Garcia.
“So hopefully, mabigay na ng PSC ‘yung budget para sa computerization namin kasi we’re the only country in Asia na manual pa ang ginagamit sa shooting range,” dagdag pa ng shooting chief sa sports commission.
Ang electronic shooting range ang makakatulong sa paghahanda ng PNSA para sa darating na 2012 Olympic Games sa London.
Sa apat na national shooters, isa lamang ang bibigyan ng International Olympic Committee (IOC) ng wildcard berth para sa 2012 London Games na nakatakda sa Hulyo 27 hanggang Agosto 12.
Ang mga pagpipilian ng IOC ay sina Paul Brian Rosario (shotgun skeet), Jason Valdez (air rifle), Tac Padilla (rapid fire pistol) at Hagen Topacio (shotgun trap).
“The IOC has eight shooting wild cards for London, and we were lucky to be given one,” ani Romero. Sa 2004 Athens Olympics, tanging si Jethro Dionisio ang Filipino shooter na nakita sa aksyon, habang noong 2008 sa Beijing Olympics sumalang si Eric Ang.