MANILA, Philippines - Tatangkain ni AJ Banal na mapatunayan na taglay niya ang kalibre para maging isang world champion sa pagbangga sa Mexicanong si Raul Hidalgo sa Marso 24.
Ang laban ay gagawin sa Waterfront Hotel sa Cebu at handog ng ALA Promotions at bahagi sa isinasagawang Pinoy Pride series.
Itataya ng 23 anyos na si Banal ang hawak na WBO Asia Pacific bantamweight title sa unang laban sa taong 2012.
May 26 panalo sa 28 laban kasama ang 19 KOs, itataya ni Banal ang hawak na titulo sa ikaapat na pagkakataon matapos angkinin ang bakanteng titulo gamit ang 5th round TKO panalo kay Hayato Kimura ng Japan noong Hulyo 17, 2010.
Pakay naman ni Hidalgo na makabawi matapos lasapin ang split decision kabiguan laban sa kababayang si Victor Zaleta noong Enero 28.
Si Banal ay masinsinang nagsasanay na para sa labang ito mula pa noong Disyembre at sinisipat na makapagtala ng kumbinsidong panalo upang mailinya na sa lehitimong title fight sa taong ito.
Kasaluyang rated si Banal sa malalaking boxing bodies at number one sa WBO na dinodomina ni Jorge Arce.
Sinasabing balak ni Arce na iwanan na ang dibisyon at balak labanan si Filipino WBO super bantamweight champion Nonito Donaire Jr.
Kung mangyayari, si Banal ay maaring mapalaban sa titulo kontra sa number two challenger Sor Singyu Pungluang ng Thailand lalo na kung magwagi ito sa napipintong laban.
Bukod sa WBO, nasa ikalima si Banal sa WBC, nasa ikatlo sa WBA at IBF.