MANILA, Philippines - Sa gitna ng agam-agam kaugnay sa pagdadala ng Powerade kay rookie Fil-Am Marcio Lassiter sa Petron Blaze sa pamamagitan ng isang trade, hindi ito hinahayaan ni Gary David na makaapekto sa kanyang laro.
Sa dalawang sunod na panalo ng Tigers sa 2012 PBA Commissioner’s Cup, nagtumpok si David ng doble-pigura para tanghalin bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week.
“Thankful talaga ako sa mga teammates ko, sa suporta nila,” sabi ng 33-anyos na si David. “Ibang klase ang chemistry ng team. Kahit ilang buwan pa lang kaming magkakasama, parang taon na. Matindi talaga ang samahan.”
Bago ang komperensya ay binalak ng Powerade na dalhin ang 6-foot-2 na si Lassiter sa Petron Blaze kapalit nina 6’6 Nonoy Baclao at 6’3 Rey Guevarra, ang 2011 PBA No. 1 at No. 3 overall pick, ayon sa pagkakasunod.
Ngunit matapos ang PBA Board meeting ay isinoli ni PBA Commissioner Chito Salud ang trade proposal ng Tigers at Boosters.
Si David ang unang umalma nang mabalitaan ang naturang binabalak na trade.
“What’s amazing with what Gary is doing right now is that it seems he is enjoying performing in this kind of level. He makes what he does look easy,” sabi ni coach Bo Perasol kay David.
Umiskor ang Philippine Cup Best Player ng 29 points sa come-from-behind 94-82 win ng Powerade laban sa Meralco noong Linggo at tumipa ng 32 markers sa 122-120 pagtakas sa Rain or Shine noong Pebrero 17.
“Hindi naman every game iniisip kong makaka-quota ako ng ganoon,” wika ng tubong Dinalupihan, Bataan.