MANILA, Philippines - Nagbalik si Aries Oruga sa mound at tinulungan ang National University na kunin ang 5-2 panalo sa naunang namayagpag na Ateneo sa Game Two ng 74th UAAP baseball finals kahapon sa Rizal Memorial Diamond.
Isinatabi ng 20-anyos na si Oruga ang pamamaga ng kanyang kaliwang tuhod sa pamamagitan ng paglimita ng Bulldogs sa Blue Eagles sa dalawang runs mula sa 8 hits sa siyam ng innings na pagpukol.
“Masakit-sakit pa ang tuhod ko pero kailangan kong pumukol dahil kailangan ng team na manalo,” wika ni Oruga.
Ang huling SO niya ay kinuha laban kay pinch-hitter Bocboc Bernardo para masayang ang loaded bases situation.
Angat sa 5-2 ang Bulldogs papasok sa bottom ninth nang magkaroon ng magandang tsansa ang Ateneo na maitakas pa ang panalo at maibulsa ang kauna-unahang baseball title.
Leadoff single ang ginawa ni Kevin Ramos at matapos ang flyout kay Charles Catangui ay nakadouble si Matt Laurel, habang isang base on ball ang naibigay ni Oruga kay Paco Tantuico.