DENVER--Ang San Antonio Spurs ang pinakamainit na koponan ngayon na hindi man lamang napag-uusapan.
Sa walong sunod na panalo ng Miami Heat at paggiya ni Jeremy Lin sa New York Knicks, 102-88, nawala na sa eksena ang Spurs.
Ngunit balewala ito sa Spurs na nakahugot ng career-high 28 points at 12 rebounds kay DeJuan Blair upang igupo ang Denver Nuggets, 114-99, at tapusin ang kanilang nine-game road swing.
Naipanalo ng Spurs ang 12 sa kanilang huling 13 laro patungo sa All-Star break at pinangunahan ang Southwest Division kasunod ang defending champion Dallas Mavericks.
Nagdagdag si Tony Parker ng 16 points at 12 assists para sa San Antonio, habang may 18 points si Tim Duncan at 17 si Richard Jefferson mula sa kanyang 5 of 7 3-point attempts.
Nagbalik sa line-up sina Duncan at Parker matapos silang ipahinga ni Popovich na nagresulta sa 97-137 pagyukod ng Spurs sa Portland Trail Blazers noong Martes.
Sa isa pang laro, nanalo ang Oklahoma City Thunder sa L.A. Lakers, 100-85.