ILOILO City, Philippines --Binanderahan ng Western Visayas (Region 6 ) ang athletics matapos talunin ang National Capital Region at Southern Tagalog (Region 4) dito sa Iloilo Sports Complex.
Inangkin ni Connie Caselo ang gold medal ng Western Visayas sa women’s discus throw mula sa kanyang hagis na 29.62 meters at ungusan sina Jeneva Calma ng Central Luzon (Region 3) at Fatima Mitra ng Ilocos (Region 1).
Sa kabuuan, humakot ang Western Visayas ng 15 gold medals kumpara sa 11 ng NCR at 9 ng Southern Tagalog.
Nagdagdag rin ang Western Visayas ng 13 silvers at 9 bronzes kasunod ang NCR na may 11 silvers at 10 bronzes at Southern Tagalog na may 5 silvers at 7 bronzes.
Tumapos ang Central Luzon (Region 3) bilang fourth overall sa nakuhang 4-10-11, habang may 3-2-0 ang Cagayan Valley (Region 2).
Sa men’s basketball, ginulat ng Central Luzon (Region 3) ang 2011 champion NCR, 67-65.
Sa women’s basketball, binigo naman ng NCR ang Region 1, 75-53, at Region 3, 62-26, habang pinayukod ng Region 6 ang Region 10, 75-54 at CAR, 50-30.