MANILA, Philippines - Umani ng tig-limang ginto sina Jenny Ann Calleja at Christine Faith Taynan ng Bulacan sa larangan ng gymnastics habang apat na ginto ang kinuha ni Jean Karla Bondoc ng Pampanga upang magsimula ng dumagsa ang mga multiple gold medal winners kahapon sa idinadaos na 2012 Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA) sa Iba, Zambales.
Si Calleja ay nagdomina sa secondary girls Women Artistic Gymnastics individual all around (35.00), vault (12.10), balance beam (11.35), floor exercise (11.55) at team habang si Taynan na kalahok sa Rhythmic Gymnastics ay nanaig sa individual all around (56.96), rope (15.40), hoop (14.90), ball (14.60) at team event upang pangunahan ang 17 ginto na napanalunan ng delegasyon.
Makulay na pagbubukas sa archery na ginagawa sa bagong bihis na Zambales Sports Complex ang ipinakita ng 15-anyos na si Bondoc nang manaig siya sa 30m (308), 50m (278), 60m (268) at Single FITA sa kabuuang 1135 puntos.
Ang nakahulagpos na ginto kay Bondoc ay sa 40m distansya nang nakagawa lamang ng 281 at kinapos ng pitong arrows sa nanalong si Christal Palilio ng Nueva Ecija (288).
Kuminang pa rin ang Pampanga sa track and field matapos magdagdag pa ng limang ginto kahapon.
Apat dito ay mula sa track events na hatid ng mga panalo nina Danice Elaine Luig, Terenz Catillo Tongol at Mark Louie Garon sa 200m secondary girls, boys at elementary boys habang si Rene Mercado ay nanalo sa 800m secondary boys.