MANILA, Philippines - Hindi hinayaan ni Manny Pacquiao na malimutan ang isang mahalagang araw para kay boxing great Muhammad Ali sa pinamunuang 16th ‘Power of Love’ sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Kasama ang ilang malalaking pangalan sa sports, showbiz at music scene, sinabi ng Filipino world eight-division champion na sa kanyang kabataan ay inidolo na niya ang 70-anyos na si Ali.
“Muhammad Ali is the greatest fighter ever,” sabi ng 33-anyos na si Pacquiao kay Ali na nakitaan ng Parkinson’s disease noong 1984. “He’s a great inspiration to all boxers, including me.”
Bukod kay Pacquiao, ang iba pang dumalo ay sina boxing legends Mike Tyson, Sugar Ray Leonard, Thomas Hearns, George Foreman at Evander Holyfield.
Nakisaya rin sina Larry King, John Legend, Slash ng Guns ‘N’ Roses, James Gandolfini, Samuel L. Jackson at mga hall of fame athletes na sina Jim Brown, Andre Agassi at Steffi Graf at Karl Malone.
“When I started boxing, I knew of Muhammad Ali, even though I never saw him fight in person,” wika ni Pacquiao, nakasama ang kanyang asawang si Jinkee.
Ang nasabing gala celebration ay para sa kapakanan ng Cleveland Clinic Lou Ruvo Center for Brain Health at sa Muhammad Ali Foundation.
“Absolutely,” wika ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na naging promoter ni Ali sa kanyang ilang laban. “It’s Ali. You know people want to turn out for him.”
Magbabalik si Pacquiao sa MGM Grand sa Hunyo 9 para sa kanyang pagdedepensa ng suot niyang World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban kay Timothy Bradley, Jr.