MANILA, Philippines - Muling humingi ng kapatawaran si Luis Lazarte ng Argentina kay Johnriel Casimero dahil sa nangyaring pagkuyog ng mga Argentinians fans sa Filipino fighter at sa trainer at promoter nito sa kanilang laban sa Buenos Aires, Argentina.
“I apologized to the Filipinos worldwide…I apologized to (Casimero) and luckily he accepted my apology,” sabi ni Lazarte sa panayam ng BoxingScene.com.
Sinabi pa ng 40-anyos na si Lazarte na wala siyang kontrol sa paglusob ng kanyang mga kababayan sa grupo ng 21-anyos na si Casimero pati na kay referee Eddie Claudio.
“What can you expect from ignorant people. They are ignorant. I had nothing to do with the incidents. I have nothing to do with whoever entered the ring after the fight,” sabi ni Lazarte sa inasal ng kanyang mga kababayan.
Dahil sa kanyang dalawang beses na pagkagat sa leeg ni Casimero at pagbabanta sa buhay ni Claudio ay ‘banned for life’ ang naging desisyon sa kanya ng International Boxing Federation (IBF).
Tinalo ni Casimero si Lazarte, isang dating IBF light flyweight king, via tenth-round TKO para angkinin ang bakanteng IBF interim light flyweight crown.
Halos isang oras nanatili sa ilalim ng boxing ring ang grupo ni Casimero para makaiwas sa pag-atake sa kanila ng mga Argentinians fans.
“Pero noong nasa ilalim na ako ng ring at makita kong tinatapakan na at niyuyurakan na ang bandila natin, gumanti na rin ako at sinipa yung mga patuloy na umaatake sa akin,” ani Casimero.