MANILA, Philippines - Makakatiyak na hahataw pa ang Ateneo Blue Eagles sa men’s basketball sa 75th UAAP season.
Isang motibasyon ay ang pagpapalawig sa dominasyon sa basketball sa ikalimang sunod na taon na lalabas na pinakamahaba matapos makapitong sunod na taon ang University of the East mula 1965 hanggang 1971.
Pero higit rito sa adhikaing ito ay ang pagbibigay ng magarang pamamaalam sa taong gumawa ng matagumpay na basketball program ng Ateneo na si coach Norman Black.
Pinahintulutan na ng pamunuan ng Ateneo ang pagnanais ni Black na lisanin na ang collegiate coaching para harapin ang ibang hamon.
“It is with regret that I inform the community that coach Norman Black, who we all know has been such an outstanding coach for the Ateneo Blue Eagles these last seven years, has indicated his desire to return to the PBA where he hopes to replicate his successful system,” wika ng kalatas mula sa Ateneo President Fr. Jose Ramon. T Villarin SJ.
Noon pang nagdaang taon nagbalak si Black na iwanan na ang Eagles pero napakiusapan siya na pangunahan pa ang koponan hanggang sa 75th season.
“I’m pleased however to tell you that coach Norman has agreed to Ateneo’s request that he coach the Blue Eagles for the 2012 season and that he remain as consultant to the men’s basketball program for two years thereafter,” dagdag ni Fr. Villarin.
Ang 54-anyos na si Black na dating naglaro sa Detriot Piston sa NBA at may 10 PBA titles kasama ang Grandslam noong 1989, ay pumasok sa Ateneo noong 2005 at nagkaroon din ng second place pagtatapos noong 2006.
Sa kasalukuyan, si Black na naihatid din ang Sinag men’s team sa titulo sa 26th SEA Games sa Indonesia noong Disyembre ay consultant ng PBA team Talk N’ Text at sinasabing siya ang iuupo rito bilang head coach sakaling tapikin na ang kasalukuyang mentor na si Chot Reyes para hawakan ang Gilas II sa susunod na taon.
Malakas naman ang laban ng Eagles sa 75th season at patok pa rin sa titulo dahil babalik ang 7-footer na si Greg Slaughter upang makipagtambal uli kina Kiefer Ravena at Nico Salva.
Bumuo na ang Ateneo ng screening committee para humanap ng mga taong puwedeng humalili kay Black.