MANILA, Philippines - Lumapit pa si Johnriel Casimero sa hangaring makuha uli ang karapatang lumaban sa lehitimong titulo nang patulugin ang dating kampeon na si Luis Lazarte sa 10th round sa labang ginawa kahapon sa Club Once Unidos sa Buenos Aires, Argentina.
Itinigil ni referee Eddie Cladio ang laban sa 10th round matapos bumuwal uli ang 40-anyos na pambato ng Argentina sa ikatlong pagkakataon sa nasabing round upang hablutin din ni Casimero ang interim IBFlight flyweight title.
Nagwala ang mga nanood at hindi matanggap ang pagkatalo ng 40-anyos na iniidolo kaya’t pinagbabato nila ng bote at nilusob ang kampo ni Casimero.
Ang Filipino promoter na si Samuel Gello-ani at trainer Pingping Tepora ay inatake rin at nagkapasa-pasa habang si Casimero ay nailigtas sa mas malalang injuries nang naitago siya sa ilalim ng ring.
Ligtas namang nakalabas ng venue ang mga dumayong Pinoy at nagawa ring iselebra ang matamis na panalong ito na maagang pa-birthday kay Casimero na magdiriwang ng kanyang ika-22 kaarawan bukas.
Ang panalo ay ika-16 sa 18 laban bukod sa 10 KO para kay Casimero na noong Marso 26, 2011 ay nagtangkang mapanalunan ang IBF flyweight title pero lumasap ng fifth round TKO kabiguan sa kamay ni Moruti Mthalane.
Nalaglag si Lazarte sa kanyang ika-11th pagkatalo sa 63 laban.
Naggugulangan ang dalawa sa naunang mga rounds para bigyan ng point deductions ng referee.
Pero nagbago ang takbo ng laban nang kumunekta si Casimero ng malakas na suntok sa panga ni Lazarte upang bumuwal ito sa ninth round.
Isang beses pa ito humalik sa lona pero nakabangon pa at nairaos ang round pero ininda niya ang pahirap kaya’t nang tamaan uli ay muling humalik sa lona para magdedisyon si Cladio na awatin na ito sa paglaban.