MANILA, Philippines - Pinatatag ang programa sa grassroots ng Philippine Football Federation (PFF) sa pagpasok ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) bilang isa sa kanilang sponsor.
Halagang P20 milyon ang pakakawalang pera ng PAGCOR para itulong sa programang ito ng PFF na isasakop sa pagbabalik ng Kasibulan program na ilulunsad ngayon sa Calamba, Laguna.
Kagabi sa New World Hotel sa Makati City ay pinagtibay ang pagtutulungan ng dalawa sa paglagda sa isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng PAGCOR na kinatawan ni chairman Cristino Naguiat, Jr. at PFF president Mariano Araneta.
“Pinasasalamatan namin ang PAGCOR sa kanilang pagtulong sa aming grassroots program at ang kanilang ibinigay ay malaki ang maitutulong sa pagtuklas ng mga batang mahihilig sa sport na ito,” wika ni Araneta.
Ito ang unang tambalan ng magkabilang panig sa proyekto ng PFF pero noong nakaraang taon nagsimula ang magandang pagtitinginan dahil nagbigay ang PAGCOR ng P2 milyon para itulong sa paghahanda ng Philippine Azkals.