MANILA, Philippines - Isang email message ang natanggap kahapon ng PSNGAYON kung saan nakasaad ang pagbebenta ng Cosmos Bottling Corp. at Coca-Cola Bottlers Philippines, Inc. sa kanilang PBA franchise sa San Miguel Corporation.
Sa sulat na may petsang Nobyembre 11, 2011, sinabi ni Williams Schultz, ang Chairman at Chief Executive Officer (CEO) ng Cosmos Bottling Corp. at Coca-Cola Bottlers Philippines. Inc., na iniaalok nila ang kanilang PBA franchise sa SMC sa halagang P100 milyon.
“Pursuant to the Agreement, you are hereby given notice that you the right to purchase sa PBA franchise,” ani Schultz kay Mr. Ramon Ang, ang SMC president. “If you intend to purchase the PBA franchise, you must, no later than 60 days from receipt of this notice, submit to the Company a written firm commitment to exercise your right of first refusal to purchase the PBA franchise at the price offered.”
Ang koponan ng Powerade Tigers ang prangkisa sa PBA ng Cosmos Bottling Corp. at Coca-Cola Bottlers Philippines, Inc.
Kung hindi ito masasagot ng SMC sa loob ng 60 araw mula sa petsang Nobyembre 11, 2011 ay nakahanda ang Cosmos Bottling Corp. at Coca-Cola Bottlers Philippines, Inc. na ialok ang kanilang prangkisa sa ibang kumpanya.
Ang napipintong pagbili ng SMC sa nasabing PBA franchise ay tinuligsa na ng isang miyembro ng PBA Board of Governors.
Isang emergency board meeting ang itinakda bukas ni PBA Commissioner Chito Salud para talakayin ang naturang bentahan.
Samantala, kinuha na ng SMC si Serbian coach Rajko Toroman bilang consultant, ayon sa Twitter account ni SMC official Noli Eala.
“Rajko is coming back! Toroman and SMC come to terms on a full consultancy contract. Welcome to the SMC family,” wika ni Eala kay Toroman na siyang sumalo sa naiwang trabaho ni Jong Uichico.
Si Uichico ay lumipat sa Smart Gilas Pilipinas ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ni Manny V. Pangilinan, may-ari ng Talk ‘N Text at Meralco.