MANILA, Philippines - Ipapakita ngayon ni Nonito Donaire Jr. ang kanyang ngitngit matapos ang mga binitiwang pahayag sa twitter ng maybahay ng makakalabang si Wilfredo Vazquez Jr. sa kanilang tagisan para sa bakanteng WBO super bantamweight title sa Alamadome, San Antonio, Texas.
Kung hindi lamang sa mga taong malalamig ang ulo ay nagkaupakan na sina Donaire at Vazquez sa press conference matapos ang pambabastos sa kanya ni Vazquez nang duruin siya nito at tapik-tapikin habang nagpopormahan.
Isa pang ikinababanas ni Donaire ay ang mga lumabas sa twitter ng asawa ni Vazquez at kabilang sa mga binanggit nito ay ang pagkatakot ng “Filipino Flush” na labanan si Vasquez.
“Vazquez is bigger in size but I’m the more experienced and more skilled fighter,” wika ni Donaire.
May 28 laban ang three-time world champion at isang beses lamang siya natatalo bukod pa sa pagkakaroon ng 18 KOs.
Kabilang sa mga matitinding boksingero na natulog sa kamao ni Donaire ay ang mga nirerespetong sina Vic Darchinyan at Fernando Montiel dahilan upang ilagay ang Filipino boxer bilang pang-apat sa hanay ng pound for pound king ng ikinokonsiderang Bibliya ng professional boxing na Ring Magazine.
Unang sampa ito ni Donaire sa super bantamweight division at bagamat hindi pa niya nakikita ang epekto ng kanyang mga suntok sa mga boksingerong nasa dibisyong ito, tiwala naman siyang bubuwal ang kalaban kapag tinamaan niya ng solidong suntok.
“I’m a little guy but I know I hit harder than him,” dagdag pa ni Donaire.
Hindi naman nababahala si Vazquez sa kalidad ni Donaire dahil ang magpapainit sa kanya ay ang gagawing pagbawi sa titulong hinubad sa kanya ni Jorge Arce noong Mayo 7.
Natulog sa 12th round si Vazquez kay Arce upang lasapin ang natatanging kabiguan sa 22 laban kasama ang 18 KOs.
Aminado si Vazquez na marami siyang natutunan sa labang iyon at gagamitin ang tagisan nila ni Donaire upang maibangon ang kanyang nadungisang puri.
“That was a learning experience for me. I proved to myself that I can do a better job and this is my opportunity to prove it,” wika ni Vazquez.
Tulad ni Donaire ay sumalang sa matinding pagsasanay si Vazquez kaya kumbinsido siyang mananalo sa laban gamit ang isang knockout.
“He has yet to face a fighter like me. This is probably the most important fight in my career and I’m going to do my job round by round. I’m going to win no matter how,” dagdag nito.
Pumasok sa timbangang kahapon si Donaire sa 121.6 pounds habang sa eksaktong 122 pounds si Vasquez.
Nakikita ni Donaire ang sarili na nasa 128 o 130 pounds sa takdang laban at sapat ito para ipantapat sa mas malaking Vazquez dahil sa palakasan ng suntok hindi sa palakihan ng katawan nakukuha ang panalo sa larangan ng boxing.