MANILA, Philippines - Napagtagumpayan ng University of Perpetual Help System Dalta’s men’s at women’s volleyball teams na makapasok sa finals sa 87th NCAA volleyball nang magsipanalo kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Ang nagdedepensang Altas ay umukit ng 25-17, 25-20, 25-17, panalo laban sa Arellano University Chief habang tinapatan ito ng Lady Altas gamit ang 25-16, 25-19, 25-15, panalo sa Letran Lady Knights upang umabante na sa championship round.
Ang dalawang koponan ay parehong may tangan na 12-0 record at namumuro na makagawa ng sweep tungo sa kampeonato.
Nanalo din ang Junior Altas sa Emilio Aguinaldo sa juniors division, 26-24, 26-28, 25-21, 24-26, 16-14, para magkaroon ng triple tie sa unang puwesto kasalo ang EAC at San Sebastian.
Pero napatalsik ang Junior Altas dahil sila ang may pinakamababang quotient.
“We may have not been able to see our Junior Altas in the finals but bringing in two of our three teams in the championship round is already something. We are still on track as far as winning the titles is concern,” ani UPHDS president at Policy Board chairman Anthony Tamayo.