MANILA, Philippines - Pinatatag pa ni Milan Melindo ang paghahabol para makalaban sa lehitimong world title nang kanyang hiritan ng seventh round technical knockout panalo ang sinasabing mahusay na Mexican challenger Juan Esquer sa harap ng mga kababayang sumaksi sa laban noong Sabado sa Pacific Ballroom sa Waterfront Hotel at Casino sa Cebu City.
Natapos ang laban may 2:16 sa round at nangyari ito nang isinuko ng corner ni Esquer ang laban matapos bumulagta ang kanilang boksingero matapos bigyan ng low blow si Melindo.
“He was the one who committed the low blow, there was no violation on the part of Milan. I think it was a way out of the fight because he knew he was outclassed,” wika ni referee Danrex Tapdasan.
Ang panalo ni Melindo ay ika-26 sunod kasama ang ika-10th KO sa kanyang karta para mapanatili ang hawak sa WBO Inter-continental flyweight title.
Inaasahan ding aakyat ang kanyang world rankings sa mga boxing bodies para sa posibilidad na makalaban sa lehitimong titulo bago matapos ang taon.
Si Melindo ay number one sa WBO pero hindi niya pinapangarap na sagupain ang kampeon na sa ngayon ay si Fil-Hawaiian Brian Viloria.
Ang laban na suportado rin ng SM City Cebu, Pacific Mall Mandaue, Waterfront Cebu City Hotel, Kia Motors Cebu, Moon Café, Harold’s Hotel, PAGCOR, Gaisano Tabunok, Gaisano Metro Colon at EGI Resort ay kinatampukan din ng pagkapanalo ng mga Filipino boxers sa mga bumisitang dayuhan.
Pinatulog ni Lorenzo “Thunderbolt” Villanueva sa 1:17 ng unang round si Diego Ledesma ng Mexico para sa kanyang ika-22 KO sa ganito ring dami ng laban.
Si Mhar Jhun Macahilig ay umiskor ng second round KO may 2:01 sa orasan laban kay Kaichon Sor Vorapin, Si Merlito Sabillo ay umukit ng decision panalo kay Sofyan Effendi ng Indonesia (78-74 sa lahat ng tatlong hurado) at decision panalo rin ang ginawa ni Joseph Von Minoza kay Yoo Shin Kim ng Korea (79-73 sa lahat ng hurado).