MANILA, Philippines - Lalahok sina SEA Games gold medalist Nancy Quillotes at Fil-Japanese Tomohiko Hoshina sa Judo Grand Slam sa Paris, France mula Pebrero 4 hanggang 5.
Ang torneo ay isinasagawa ng International Judo Federation at nais ng dalawang pambato ng bansa na makakuha ng panalo para mapalaki ang tsansa nilang makapasok sa London Olympics.
Ang mangungunang 22 judokas sa kalalakihan at 14 sa kababaihan sa lahat ng weight divisions sa talaang ipalalabas sa Mayo 1 ay makakasali sa London Games.
Si Quillotes ay nasa ika-68th puwesto sa women’s -48 kgs tangan ang 49 puntos habang si Hoshina ay nasa ika-99th puwesto sa men’s +100 kgs tangan ang 27 puntos.
Puwede ring makapasok sa Olympics gamit ang Continental qualification, IF quota at tripartite commission placing.
Ang mga puntos na makukuha ng isang judoka ay base sa kanilang magiging puwesto sa Grand Slam, World Cup, Grand Prix, Masters, Continental at World Championships mula Enero hanggang Mayo.
Balak din isali ang dalawang judokas sa Asian Championships sa Abril sa Uzbekistan.
Sina John Baylon at Benjamin McMurray ang huling mga Pinoy na nakalaro sa Olympic sa Judo noong 1988 Seoul Olympics.
Matapos ang edisyong ito ay nagpairal na ang IJF ng mga qualifying standards para matiyak na mga karapat-dapat na atleta lamang ang makakasali sa pinakaprestihiyosong torneo sa mundo na ginagawa tuwing apat na taon.