Phl Patriots balik sa porma, tinalo ang Warriors

MANILA, Philippines - Pinawi agad ng Air­Asia Philippine Patriots ang u­nang kabiguang nalasap sa kamay ng expansion team San Miguel Beermen nang ilampaso nila ang Indonesia Warriors, 86-73, sa idinaos na Air­Asia 3rd ASEAN Basketball League kahapon sa San Juan Arena.

Naghasik ng 33 puntos at 10 rebounds si Anthony Johnson at 18 rito ay gina­wa sa second half para makalayo ang Patriots mula sa dikitang first half.

Limang tres ang ginawa ni Johnson sa huling 20 minuto ng bakbakan at ang kanyang pang-apat na buslo sa pagbubukas ng huling yugto ang nakatulong para lumamang na ng 12 ang host team, 68-56.

Ito ang ikalawang panalo sa tatlong laro ng Patriots at si Nakiea Miller ay naghatid ng double-double na 19 puntos at 16 rebounds bukod sa 3 blocks para manalo sa tagisan nila ng dating Patriots import na si Steve Thomas na may 16 puntos at 15 rebounds.

“Ang panalong ito ay nag­papakita na kayang bumangon ng koponan matapos madapa sa huling laro,” wika ni Patriots coach Glenn Capacio.

 Matapos magtala ng 15 puntos sa first half ay nag-init pa si Johnson sa ikatlong yugto nang kumana pa ng 12 puntos para ma-outscore ng Patriots ang Warriors, 25-21.

 Huling dikit ng Warriors ay sa 52-51 sa split ni Jonathan Smit pero kumawala ng dalawang tres si Johnson para sa 10-2 palitan para sa 62-53 bentahe.

Pinakamalaking kalamangan ng koponang pag-aari nina Mikee Romero ng Harbour Centre at Tony Boy Cojuangco ay 14 puntos sa magkasunod na jumpers nina Rob Wainwright at Al Vergara, 72-58, may 7:28 sa orasan.

Show comments