MANILA, Philippines - Nagpasiklab agad ang mga boksingero mula Mandaue, Cebu at Negros Occidental nang magkaroon ng tig-dalawang boksingero na nanalo sa pagbubukas ng 2012 PLDT-ABAP Visayas Area Championships noong Huwebes sa Robinson’s Mall sa Dumaguete City.
Sina Kevin Jake Cataraja at Hipolito Banal ang namuno sa nagdedepensang Mandaue nang manalo sa Youth boys flyweight at Junior boys flyweight divisions.
Sumuntok sa 19-14 panalo si Cataraja laban kay Argie Alabado ng Bago City sa labang nakitaan na nabawasan ng dalawang puntos at inatake ng cramps ang 16-anyos na Mandaue fighter.
Wala namang masamang epekto ang pagiging mas maliit ni Banal nang gamitin niya ang kanyang bilis tungo sa 18-2 dominasyon kontra kay Daniel Folio ng host Dumaguete City.
Sina Steven Noblefranca at Junrel Jimenez ng Cebu at Danjay Nietes at Mark Anthony Montenola ng Negros Occidental ay namayani rin para ipakitang magiging mahigpitan ang tagisan para sa kampeonato sa apat na araw na liga na inorganisa ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) na suportado ng PLDT at may tulong mula sa local officials ng Dumaguete City at Province of Negros Occidental.
Si Noblefranca ay may 18-3 panalo kay Jusua Sambajon ng Nothern Samar sa youth boys flyweight habang si Jimenez ay umukit ng RSC sa second round laban kay Ritchie Sumabong ng Tagbilaran.
Si Nietes na pinsan nina world champion Donnie at national player Gerson ay nanaig kay Jay Solomon ng Dumaguete, 15-6, at si Mark Anthony Montenola ay may RSC panalo sa 2nd round laban kay Jason Ladriloo ng Leyte Province sa Junior division.