MANILA, Philippines - Para lamang hindi umalis sa kanyang Top Rank Promotions si Miguel Cotto ay handang ialok ni Bob Arum sina Manny Pacquiao at Julio Cesar Chavez, Jr.
Gusto rin ng 80-anyos na promoter na mailayo si Cotto kay Floyd Mayweather, Jr.
"We are nowhere near a final agreement for a rematch," sabi ni Arum kahapon sa kanyang pakikipag-usap kay Cotto at sa adviser nitong si Gaby Penagaricano. "I want to meet with Miguel and Gaby to explore several options and Pacquiao is one of them."
Kamakalawa ay ibinunyag ni Penagaricano na ikinukunsidera ni Cotto, nagtapos ang kontrata sa Top Rank noong Disyembre, na labanan sinuman kina Pacquiao at Mayweather.
Sa Mayo 5 lamang gustong lumaban ng 34-anyos na si Mayweather, habang sa Hunyo 9 naman itinakda ni Arum ang pagbabalik sa boxing ring ng 33-anyos na si Pacquiao.
Handa ring itapat ni Arum kay Cotto si Chavez sakaling umatras ito sa rematch kay Pacquiao.
“If Chavez, Jr. wins his fight on February 4 against Antonio Rubio, could be a possibility,” wika ni Arum sa Cotto-Chavez fight. “Cotto wants to fight Chavez. He said it on more than one ocassion.”
Tinalo ni Pacquiao si Cotto via 12th-round TKO noong Nobyembre ng 2009 para agawin ng Filipino world eight-division champion ang hawak na WBO welterweight crown ng Puerto Rican .
Ang 31-anyos na si Cotto ang kasalukuyang WBA junior middleweight beltholder at nasa isang three-fight winning streak matapos matalo kay Pacquiao.