MANILA, Philippines - Pinawi ni Jeson Patrombon ang masamang laro sa first set sa mas agresibong kampanya sa ikalawa at sa ikatlong set tungo sa 3-6, 6-4, 6-2, panalo laban kay Marko Danis ng Slovak Republic sa pagbubukas ng Men’s Futures 2 men’s singles sa Eilat, Israel.
Parehong mga qualifier sina Patrombon at Danis pero nakuha ng Filipino netter ang mahalagang break nang kunin ang 10th game sa second set upang maitabla ang laban sa 1-1 at mahawakan ang momentum.
Mula rito ay tumaas na ang kumpiyansa ng tubong Iligan City netter at umabante sa 5-1 iskor.
Na-break ni Danis si Patrombon sa seventh game pero binalikan ng dating pambato sa juniors division ang katunggali nang hawakan ang triple matchpoint tungo sa tagumpay.
“This tournament in Israel is the right venue and choice to test our skills and training against high level competiton for continued development of our players. Jeson is progressing very positively and with more coaching, training and matches he is getting stronger mentally, physically and tactically in each day we are spending here in this circuit,” wika ni coach Manny Tecson.
Ang panalo ay nagtulak sa ATP ranking ni Patrombon tungo sa 11 puntos at papasok na siya sa top 800 sa mundo.
Sunod na makakaharap ni Patrombon ang third seed na si Antal Van Der Duim ng Netherlands na pinataob ang wildcard na si Noam Mazor ng Israel.