Elite pasok sa quarters

MANILA, Philippines - Ginamit ng Blackwater Elite ang nagbabagang laro sa ikatlong yugto upang ta­lunin ang RnW Pacific Pipes, 65-48, sa pagtatapos ng PBA D-League As­pirants’ Cup elimination round kahapon sa SanJuan Arena.

Isinantabi ng Elite ang matinding hamon ng Stee­lers sa first half nang nagpasabog ng 9 sa kabuuang 11 second half points si Isiah Ciriacruz para pangu­nahan ang 25-11 palitan at bigyan ang koponan ng komportableng 51-32 bentahe patungo sa huling 10 minuto ng bakbakan.

Ang panalo ay ikalima sa 10 laro ng Elite at nagtulak sa koponan para kunin ang ikaanim at hu­ling puwesto na aabante sa playoff.

Naunang tinapos ng nagdedepensang NLEX ang kampanya ng Cafe France sa pamamagitan ng 107-89 tagumpay sa unang laro.

Si RR Garcia ay mayroong 25 puntos at 14 rito ay ginawa sa ikatlong yugto para pagningasin ang 35-15 palitan upang ang 49-45 halftime kalamangan ay naging 84-60 bentahe.

“Masuwerte pa rin kami dahil binaligtad ang panalong nakuha ng Cobra sa amin. Masaya dahil umabot pa kami sa quarter­finals at sana ay natuto na ang mga players ko at mag-iba na ang larong kanilang ipakikita,” wika ni Elite coach Leo Isaac na binuksan ang kampanya tangan ang 3-0 karta.

Kakaharapin ng Elite ang pumang-apat na Big Chill habang ang puma­ngatlong Freego Jeans at pumanglimang Boracay Rum ang magtutuos sa quarterfinals na kung saan ang Super Chargers at Jeans Makers ay nagta­taglay ng twice-to-beat advantage.

Ang NLEX na tinapos ang laban tangan ang wa­long sunod na panalo tungo sa nangungunang 9-1 baraha at Cebuana Lhullier (8-2) ay diretso nang nakapuwesto sa semifinals.

Show comments