Iba talaga ang impact ni Nonito Donaire, Jr. sa kanyang mga nakalaban at makakalaban.
Pagkatapos ng panalo ni Donaire noong Oktubre ng nakaraang taon, hindi mapakali si World Boxing Organization bantamweight champion Jorge ‘Travioso’ Arce.
Nais na niyang makaharap agad itong si Donaire.
Oo nga’t may naka-schedule na laban itong si Arce, may record na 59 na panalo (44 dito ay sa TKO), anim na talo, at dalawang draw, talaga namang inaantabayanan niya itong si Donaire,
Hindi sigurado kung sino ang makakalaban ni Arce dahil bumagsak ang negosasyon sa makakalaban sanang si Lorenzo Parra. Nabigong makuha ni Arce na makalaban itong si Parra dahil ayaw itong isanksyon ng WBO. Wala kasi sa Top 15 ranking ng WBO itong si Parra.
Pero, hindi ang labang ito ang pinagtutuunan nitong si Arce. Kung hindi mas nakatuon siya sa pagnanais na makalaban itong si Donaire na nakatakda namang makaharap itong si Wilfredo ‘Papito’ Vazquez, Jr. sa Pebrero 4 sa San Antonio, Texas.
Batay sa kampo ni Arce, gigil na gigil itong Arce na makatapat si Donaire. Nais kasing patunayan ni Arce na hindi isang ‘superman’ itong si Donaire. Sabi pa nga ni Arce kaya niyang talunin si Donaire dahil mas mahusay ang kanyang istilo bilang boksingero kaysa sa ‘The Filipino Flash’.
Atat na nga itong si Arce na bumalik sa super bantamweight para lamang patunayan na siya ang mas mahusay na boksingero sa ring kaysa kay Donaire.
Si Donaire naman ay aakyat sa super bantamweight class para lamang makalaban itong si Vazquez sa Pebrero 4.
Kung magkatuluyan man ang Donaire vs Arce (at 95 porsiyetno na itong tuloy), tiyak na isa ito sa pinakamagandang laban ngayong taon. Kapwa mahusay ang dalawang boksingero.
Ngayon pa lamang ay umiikot na ang hype sa laban, kaya’t sapat na itong abangan.
Kumabaga ang magkahiwalay na laban ng dalawang boksingero sa Pebrero ay isa lamang na patikim sa kung ano ang makikita natin sa kani-kanilang laban na posibleng maganap sa kalagitnaan ng taon.
Tutukan na natin ito.