MANILA, Philippines - Bukod kina boxer Mark Anthony Barriga at long jumper Marestella Torres, dalawa pang Filipino athletes ang inaasahang makakakuha ng tiket para sa 2012 Olympic Games sa London.
Ang dalawa ay magmumula sa weightlifting at judo.
Inihayag kahapon ni weightlifting association president at Philippine Olympic Committee (POC) chairman Monico Puentevella na tiyak nang makakalaro si lady weightlifter Heidilyn Diaz sa 2012 London Games.
Ito ay sa dahilang No. 7 si Diaz sa world ranking at nakatakda pang sumabak sa Olympic qualifying tournament sa Korea sa Abril.
“Heidi is currently ranked seventh in the world in the 58-kilogram division and only needs to perform creditably in the last qualifying round this coming April 23-30 in Pyeongtack City in Korea,” ani Puentevella kahapon sa lingguhang SCOOP sa Kamayan sa Padre Faura, Manila.
Nakasali na ang 20-anyos na si Diaz sa Olympic Games noong 2008 sa Beijing, China bilang isang wildcard entry.
Isa naman kina 2011 Southeast Asian Games gold medalist Nancy Quillotes at Fil-Japanese Tomashiko Hoshina ng judo ang maaaring makabiyahe sa London.
Ngunit ito ay depende sa magiging resulta sa kanilang lalahukang tatlong kompetisyon.
“The Asian federation has already assured the Philippines of at least one qualifier and because of Nancy’s gold medal finish in the last SEA Games,” ani national judo coach Rolan Llamas kay Quillotes, No. 8 sa Asian women’s standing, habang No. 17 si Hoshina.