MANILA, Philippines - Kung may bagay mang muling magpapaantala sa banggaan nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr. sa Mayo 5, ito ay ang sugat sa kanang kilay ni ‘Pacman’.
Ang naturang putok sa kanang kilay ni Pacquiao ay mula sa kanilang pangatlong laban ni Juan Manuel Marquez noong Nobyembre 12 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Nauna nang sinabi ni Jeffrey Roth, ang Las Vegas plastic surgeon na nangailangan ng 29 tahi para maisara ang naturang sugat ni Pacquiao, na hindi pa maaaring makipag-sparring ang Filipino boxing superstar hanggang Abril 1.
Ito naman ay kinatigan ni Miguel Diaz, isang veteran trainer at cutman na nagsilbi na kina Mayweather, Oscar Dela Hoya, Erik Morales, Jorge Arce at Jose Luis Castillo.
“One of the worst. It was a bad cut,” sabi ni Diaz, napasama sa kampo ni Pacquiao nang labanan ng Sarangani Congressman si Dela Hoya noong 2008. “The doctor had to use three levels of stitching on the cut. The bottom, the middle, and the top.”
Kamakalawa ay sinabi ni Pacquiao na papayag siyang labanan si Mayweather alinman sa Mayo o Hunyo kung magiging 50-50 ang kanilang hatian sa prize money.
Nabalam ng dalawang ulit ang usapan para sa Pacquiao-Mayweather mega-fight dahilan sa pagpipilit ng American fighter na sumailalim sila ng Filipino world eight-division champion sa isang Olympic-style random blood testing bukod pa ang hatian sa prize purse.
Nang ipagpaliban naman ng korte sa Las Vegas sa Hunyo 1 ang pagsisilbi ng 30 araw sa kulungan ni Mayweather noong Enero 6 ay nagkaroon ng tsansang matuloy ang suntukan nila ni Pacquiao.
“If Floyd’s going to fight him (Pacquiao), Floyd can tell him anything he wants,” ani Roger Mayweather, ang uncle/trainer ni Mayweather. “Floyd’s the one who got to fight him.”
Bukod kina Mayweather at Marquez, nasa listahan rin ng Team Pacquiao sina Puerto Rican Miguel Cotto, Lamont Peterson at Timothy Bradley, Jr.
Taglay ni Pacquiao ang 53-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 38 KOs kumpara kina Mayweather (42-0, 26 KOs), Marquez (53-6-1, 39 KOs), Peterson (30-1-1, 15 KOs), Cotto (37-2-0, 30 KOs) at Bradley (28-0-0, 12 KOs).
Maaaring pumili si Mayweather alinman kina WBC light middleweight king Saul Alvarez (39-0-1, 29 KOs) at lightweight champion Robert ‘The Ghost’ Guerrero (29-1-1, 18 KOs).