MANILA, Philippines - Tatangkain ngayon ng nagdedepensang NLEX ang makapasok na ng tuluyan sa semifinals sa pagharap sa number one team na Cebuana Lhuillier sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants’ Cup elimination round sa San Juan Gym.
Ito ang unang pagkikita ng dalawang koponang nagtagisan sa Finals sa first conference at ang Road Warriors ang namayani sa 2-0 sweep sa best-of-three series sa Gems tungo sa kampeonato.
Elimination round game pa lamang ito pero tiyak na maaksyon ang bakbakan dahil ang Gems ay magnanais na selyuhan ang pagiging numero uno sa 11-koponang liga sa paglista ng ikasiyam na panalo sa 10 laro.
May six-game winning streak ang tropa ni coach Boyet Fernandez pero walang saysay ang maagang pamamayagpag kung hindi nila makukuha ang tagumpay, ani ng beteranong mentor.
“Pride ang nakataya rito dahil kami ang defending champion at kailangan ang panalo para makuha ang outright semifinals. Ang Cebuana naman ay nais na makabawi sa amin. Kaya magandang laban ito,” pahayag ni Fernandez.
Walang duda na mas malakas ang NLEX dahil sa pagkakaroon ng Calvin Abueva, Ian Sangalang, Dave Marcelo, RR Garcia at Garvo Lanete pero hindi pahuhuli ang Gems na ibabandera nina Jai Reyes, Terrence Romeo at Vic Manuel.
Nananalangin naman sa sidelines ang Freego Jeans (7-3) dahil kailangan nilang makita ang NLEX na matalo sa kanilang huling dalawang laro para makahirit ng playoff para sa number two seeding.
Huling laro ng Road Warriors ay laban sa Café France sa Martes.
Mauunang magtagisan naman ang Big Chill at Blackwater Elite sa ganap na alas-2 ng hapon na kapwa nangangailangan ng panalo para sa puwestuhan sa quarterfinals.
Angat ang Super Chargers sa 6-3 karta pero posibleng malagay pa sa peligro ang paghahabol sa puwesto sa susunod na yugto ng labanan dahil posibleng magkaroon ng multiple tie sa ikatlo hanggang ikaanim na puwesto.
Ang Elite ang isa sa naghahabol matapos ideklarang panalo ni Commissioner Chito Salud ang koponan ni coach Leo Isaac laban sa Cobra Energy Drink.