MANILA, Philippines - Matapos isuko ang Game One, dalawang sunod na panalo ang kinuha ng Powerade para iwanan ang Rain or Shine, 2-1, sa kanilang best-of-seven semifinals series.
Ayon kay coach Bo Perasol, kailangan nila muling ipakita ang pagiging agresibo sa laro sa mahalagang Game Four ngayong alas-6:45 ng gabi para sa 2011-2012 PBA Philippine Cup sa Smart-Araneta Coliseum.
"We should be wanting the game more, and again it should be related to what we do as a team, not go one-on-one, just flow in our offense," ani Perasol. "We should make sure we cannot commit turnovers."
Si Gary David, nagposte ng average na 31.0 points per game sa semifinals series at umiskor ng kanyang pang-limang sunod na 30-point game sa playoffs, ang muling aasahan ni Perasol at ng Powerade kasama sina No. 1 overall pick JVee Cruz, Doug Kramer, rookie Fil-Am Marcio Lassiter, Celino Cruz at Sean Anthony.
Sinikwat ng Elasto Painters ang Game One, 114-97, bago ibulsa ng Tigers ang Game Two, 121-113, at Game Three via overtime, 104-99.
Sa kabila ng pagkakaiwan sa serye, kumpiyansa pa rin si mentor Yeng Guiao na makakatabla ang kanyang Rain or Shine.
“It’s a series. It’s just 2-1. We’ll be back Tuesday and we’ll prepare harder,” wika ni Guiao. “Knowing we missed our 3-point shots, we ‘ll just go back to the gym and work on our perimeter shooting.”
Naging problema rin ng Elasto Painters ang kanilang mga turnovers kung saan sila may average na 23 turnovers sa sa Games Two at Game Three.
“Powerade worked harder than we did on defense We have to give credit to the fact that some of those turnovers were because they put a lot of pressure on our guards,” ani Guiao.
Samantala, pinagmulta ni PBA Commissioner Chito Salud si Guiao ng P80,000.
Ang P50,000 ay mula sa technical foul ni Guiao sa third quarter sa Game Two dahil sa paggamit niya ng ‘profane language’.
Pang-siyam na technical na ito ni Guiao sa kasalukuyang conference.
Tumataas ang halaga ng multa ng bawat player o coach na sa conference at dumodoble pa habang ito ay dumadami.
Ang P30,000 ay para sa kanyang mga inilabas na pahayag sa media tungkol sa palpak na officiating sa Game Two noong Biyernes.
“Color and emotion make for more exciting games but players and coaches must not cross the lines and principles of sportsmanlike behavior because these are values which the PBA upholds at all times,” sabi ni Salud.