MANILA, Philippines - Posibleng madagdagan pa ng isang ginto ang Pilipinas sa idinaos na 26th SEA Games nang bumagsak sa doping test ang isang atleta ng Malaysia na kasapi ng nagkampeon men’s 4x400m relay team sa athletics.
Nangibabaw ang quartet nina Subramaniam Kannathasan, Paneerselvam Yuvaaraj, Schzuan Rosely at Muhamad Yunus Lasaleh sa nasabing event sa bilis na 3:10.49.
Mas mabilis sila ng 26 segundo sa pumangalawang Pilipinas na binuo nina Junrey Bano, Edgardo Alejan, Julius Nierras at Archand Christian Bagsit na nagtulung-tulong sa 3:11.16.
Pumangatlo sa datingan ang koponan ng Thailand sa 3:14.90.
Ngunit sa isinagawang doping test ng organizing committee, lumabas na isang Malaysian runner ang bagsak sa pagsusuri. Isa pang manlalaro ng nasabing bansa sa weightlifting na umani ng bronze medal ang lagpak din at posible ring bawian ng medalya.
Kinukuhanan ng dalawang samples ng ihi ang mga nanalong atleta sa SEA Games para suriin kung gumagamit ba ito ng ipinagbabawal na gamot.
Hinihintay pa ang resulta sa ikalawang sample ng kinukuwestiyon na mga Malaysian athletes bago tuluyang ideklara na babawiin ang mga medalyang napanalunan.
Kung magkakaganito, ang Pilipinas ang aakyat sa unang puwesto sa nasabing event at mahahagip ang ika-37th ginto sa pangkalahatan at ikatlo naman sa delegasyon ng PATAFA.
Tila suko na ang Malaysian sports authorities sa kapalaran ng mga atletang kinukuwestiyon.
Kung maigagawad ang gintong medalya, sina Bano, Alejan, Nierras at Bagsit ay magkakaroon ng dagdag insentibo na P50,000 na kanilang paghahatian pa.