MANILA, Philippines - Reputasyon ang nais na pangalagaan ng bisitang CF International de Madrid kaya’t makakatiyak na todo ang larong gagawin nila kapag kinaharap ang Philippine Azkals sa charity game sa Sabado sa Rizal Memorial Football Stadium.
Sa ganap na alas-4 ng hapon itinakda ang tagisan na isinagawa upang makapangalap ng pondo na itutulong sa mga biktima ng bagyong Sendong.
Kahit hindi official game, tiniyak ni Stephen Newman, ang pinuno ng bisitang koponan na buhos ang laro ng kanyang bataan dahil kilala ang Spain bilang isa sa tinitingalang koponan sa mundo ng football.
Kailangan nila na magseryoso dahil na rin sa katotohanang mapapanood ang laro sa kanilang bansa gamit ang Telemadrid.
Agresibong paglalaro ang ipinangakong masisilayan ng mga magsisipanood sa Spanish team lalo pa’t alam na rin nila ang kapasidad ng Azkals sa mga ulat na lumabas sa Internet.
Mangunguna naman sa Azkals si Angel Guirado na isang Fil-Spanish at naglalaro sa second divison sa Spanish league.
Ang Madrid ang ikalawang dayuhang koponan na bumisita sa bansa matapos ang LA Galaxy na pinamunuan ni David Beckham noong Disyembre at nanalo sila sa Azkals sa 6-1 iskor.