MANILA, Philippines - Masiglang-masigla ang professional boxing sa taong 2011 nang manatiling world champion ang apat na tinitingalang boksingero ng Pilipinas.
At hindi mga pipitsugin ang kalabang dinaanan nina Manny Pacquiao, Nonito Donaire Jr., Brian Viloria at Donnie “Ahas” Nietes dahil mga nirerespetong Mexican boxers ang kanilang pinataob.
Nangunguna na sa hanay na ito ang Pambansang kamao at Kongresista ng Sarangani Province na si Pacquiao na hindi pa rin naisusuko ang hawak na WBO welterweight title sa dalawang hinarap na laban.
Unang binakbakan ni Pacquiao ay ang beteranong si Shane Mosley noong Mayo 7 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas at nanalo ang Pambansang kamao sa pamamagitan ng unanimous decision.
Bumalik ng ring si Pacquiao noong Nobyembre 12 at sinagupa sa ikatlong pagkakataon si Juan Manuel Marquez ng Mexico.
Naghanda nang husto si Pacquiao dahil sa kahalagahan ng panalong makukuha lalo pa’t nagpahayag si Marquez na siya ang tunay na nanalo sa naunang dalawang pagkikita.
Ibang Marquez ang nakaharap ni Pacquiao at mas agresibo ang Mexican ring warrior kaya’t nang ilabas ng dalawa sa tatlong hurado ang pagpanig sa kasalukuyang pound for pound king ay umani ang desisyon ng pagdududa sa mga mahihilig sa boxing.
Suportado naman ang panalong ito ni Pacquiao ng Compubox dahil angat ang Filipino champion sa lahat ng aspeto ng labanan.
Pinatunayan ng 29-anyos na si Donaire na karapat-dapat siya bilang number four sa pound for pound list nang patulugin ang naunang matibay na si Fernando Montiel ng Mexico noong Pebrero 19 para agawin ang hawak na WBC/WBO bantamweight title.
Dalawang rounds lamang ang itinagal ni Montiel nang takasan ng lakas ang dating Mexican champion matapos salubungin ang kombinasyong pinakawalan ng “Filipino Flush”.
Nagtagumpay din si Donaire sa pagdepensa sa titulo noong Oktubre 22 laban kay dating WBO superflyweight champion Omar Andres Narvaez ng Argentina gamit ang unanimous decision.
Dalawang laban din ang sinuong ni Viloria at nag-ingay siya sa hangaring maisama sa pound for pound list nang hiritan ng 8th round TKO panalo ang number nine sa listahan na si Giovani Segura ng Mexico.
Noong Disyembre 11 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City ginawa ang tagisan at unang depensa ni Viloria sa hawak na WBO flyweight title na kinuha gamit ang unanimous decision kay Julio Cesar Miranda ng Mexico noong Hulyo 16.
Ang inasahang mahigpitang labanan sa dating magka-sparmate noong sila ay amateur boxers pa lamang ay hindi nangyari dahil dominado ni Viloria ang bakbakan at napilitang itinigil ni referee Samuel Viruet ang sagupaan nang gumewang ang mga paa ng challenger matapos tamaan ng malakas na kaliwa ng kampeon.
Tunay na matinding parusa ang inabot ni Segura sa kamay ni Viloria dahil may malaking bukol ito sa kanang bahagi ng ulo dahil sa malalakas na kaliwang inabot sa Filipino champion.
Nagbunga naman ang pagsampa ni Nietes sa WBO light flyweight division nang agawin ang titulo laban sa dating kampeon Ramon Garcia Hirales ng Mexico noong Oktubre 8 sa La Salle Bacolod Gym sa pamamagitan ng unanimous decision.
Ito lamang ang ikalawang laban ng dating WBO minimumweight champion sa nasabing dibisyon at ang unang asignatura ay nauwi sa first round knockout panalo kontra kay Armando Vasquez noong Abril 9 sa Bacolod City.