MANILA, Philippines - Sa pagkakakulong ni Floyd Mayweather, Jr. ng 90 araw bunga ng domestic violence charge na isinampa ng kanyang live-in partner na si Josie Harris noong 2010, inaasahang mahihirapan itong kumuha ng lisensya mula sa Nevada State Athletic Commission (NSAC).
Ito, ayon kay NSAC Executive Director Keith Kizer, ay bunga ng pagkakaroon ng 34-anyos na si Mayweather ng rekord ng pagkakabilanggo.
Sinabi ni Kizer na hindi magiging madali ang muling pagkuha ni Mayweather ng boxing license sa NSAC sakaling matuloy ang kanilang mega-fight ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao sa 2012.
“With Mr. Mayweather’s situation, there is a question on our application as to whether or not you are a convicted felon or have any felony convictions,” wika ni Kizer. “As would any applicant, he would have to fill that out correctly and honestly. Then the commission, thereafter, would go from there.”
Sa kanyang pagkakakulong ng halos tatlong buwan, imposible nang magkaroon si Mayweather, sisimulan ang sentensya sa Enero 6, 2012, ng magandang training camp para sa isang laban.
Hindi naman masabi ni Kizer kung ano ang magiging kalagayan ng kukuning lisensya ni Mayweather sa paglaya nito sa Abril 2012.
Pinalabo ni Las Vegas Justice of the Peace Melissa Saragosa ang pagkakataon na makalaban ni Mayweather, magiging 35-anyos sa Pebrero 2012, si Pacquiao sa Mayo 5, 2012.
Bahagi ng sintensya ni Saragosa kay Mayweather ang pag-uutos sa kanyang magbayad ng $2,500, pagdalo sa isang year-long domestic violence class, magsagawa ng 100 oras na community service at hindi pagkakasangkot sa anumang gulo sa loob ng isang taon.
Kung mapapalaya si Mayweather, magsisimula ng kanyang sentensya sa Enero 6, 2012, sa Abril 2 mula sa Clark County Detention Center, kakailanganin niya ng walong linggo sa training camp para paghandaan ang posibleng laban nila ni Pacquiao.
Nauna nang nakulong si dating world heavyweight champion Mike Tyson ng tatlong taon makaraang hatulan noong 1992 mula sa kasong panggagahasa. Nabawi niya ang heavyweight title isang taon matapos siyang mapalaya.
Tangan ng 33-anyos na si Pacquiao ang 54-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 38 KOs, habang dala ni Mayweather ang 42-0-0 (26 KOs) slate.
Sa pagkakabalam ng naturang super bout, inaasahang itutuloy ni Arum ang pang apat na pagkikita nina Pacquiao at Juan Manuel Marquez.