Lady Falcons pinaamo ang Lady Bulldogs

MANILA, Philippines - Nalagpasan ng Adamson University ang National University mula sa isang 18-25, 25-18, 21-25, 25-10, 15-9 panalo sa UAAP Season 74 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan.

 Nanggaling ang Lady Falcons sa isang straight sets loss sa Far Eastern University Lady Tamaraws noong Sabado upang ilista ang kanilang 4-2 record at makatabla ang University of Santo Tomas Tigresses sa ikatlong puwesto.

 Nagtala si Sheila Pineda ng 20 points, kasama rito ang tatlong service aces, at 19 digs para sa Adamson, habang may 17 hits si Pau Soriano bukod pa ang blocks kasunod ang 16 points ni Mayette Zapanta.

 “Makakabawi pa naman kami (sa mga struggles). Mahaba pa naman ang liga, magte-training pa rin kami during the break except sa Christmas at New Year,” sabi ni Adamson coach Dulce Pante.

 Kumawala ang Lady Falcons mula sa 3-3 pagkakatabla sa fifth set sa likod nina Zapanta at Pineda para sa kanilang 12-6 lamang at hindi na nilingon pa ang Lady Bulldogs.

 May 21 hits si Cai Nepomuceno para sa NU (1-5), samantalang may 20 points naman si rookie Myla Pablo.

 Sa men’s division, pumoste si Ron Jay Galang ng 17 hits para sa 25-23, 25-16, 25-15 panalo ng La Salle Green Archers laban sa UP Fighting Maroons.

Show comments