MANILA, Philippines - Isaayos ang mga nakatayong pasilidad sa palakasan upang may magamit na mapagsasanayan ang Pambansang atleta.
Ito ang pagtutuunan ngayon ng pansin ng Philippine Olympic Committee (POC).
Una na ngang kukumpunihin ay ang Teachers Camp sa Baguio City dahil sa nasabing Siyudad pinakamagandang magsanay dala ng high altitude.
Ang pagsasaayos ng pasilidad ay kinakailangan dahil ang planong pagpapagawa ng makabagong training center ay hindi agad na mangyayari dahil na rin sa kakulangan ng pondong gagamitin para rito.
Sa Clark Field balak itayo ang makabagong sports facilities at nakipag-ugnayan na si POC President Jose Cojuangco sa administrator ng dating US Air Base na si Atty. Felipe Remollo.
“Kailangang-kailangan na natin ang training center dahil dito natin masusubaybayan nang husto ang pagsasanay ng mga atleta. Kahit ang pagkain nila ay matututukan kung sa isang lugar lamang silang lahat na nagsasanay,” wika ni Cojuangco.
Nabanggit na ng POC head ang bagay na ito kay Pangulong Benigno Aquino III at hiningi na ng Pangulo ang plano para magawa ito.
Pero kung kailan ito sisimulan ay hindi pa matiyak lalo nga’t nais ng Aquino administration na makapagtipid.
Ang pasilidad sa Baguio City ay nagagamit pa at ang mga atleta sa athletics at boxing ay dito nagsasanay.
Maliban sa pagsasaayos sa mga pasilidad, balak ding dagdagan ang pagsasanayan upang masama na rito ang mga manlalaro sa shooting, archery at mga combat sport na judo, taekwondo at karatedo.
Sa ngayon ay ang Rizal Memorial Sports Complex ang siyang pangunahing pinagsasanayan ng mga atleta pero ayaw na ni Cojuangco sa nasabing lugar dahil sa sobrang polusyon.