MANILA, Philippines - Tulad ng kanilang ipinangako, tatanggapin ng mga national athletes na nanalo ng medalya sa 26th SEA Games ang kanilang insentibo mula sa pamahalaan bago ang pagsapit ng Pasko.
Sa Miyerkules (Dis 21) sa badminton hall sa ganap na alas-2 ng hapon gagawin ang incentive-giving sa mga nanalong atleta na naghatid sa Pilipinas ng 36 ginto, 56 pilak at 78 bronze medals.
Ang kabuuang medalyang naibigay ng atleta ay magkakahalaga ng P12.090,000 milyon at ang perang ito ay manggagaling sa pondo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR)
Si PSC chairman Ricardo Garcia ang mangunguna sa hanay ng ahensya ng pamahalaan na nangangasiwa sa palakasan ng bansa habang ang pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC) na si Jose “Peping” Cojuangco ang inaasahang makakasama sa seremonya.
Inimbitahan din si Pangulong Benigno Aquino III ngunit malaki ang posibilidad na hindi makakadalo ang Pangulo dala ng mahigpit niyang iskedyul.
Base sa itinakda ng RA 9064 o Incentives Act, ang bawat individual gold medal ay nagkakahalaga ng P100,000 habang P50,000 at P10,000 naman ang mapupunta sa mga silver at bronze medalist.
Ang mga team sports na may lima o mahigit na atleta ay tatanggap naman ng doble ng halagang ibinibigay sa mga individual events na kanilang paghahati-hatian.
“Nais talaga ng PSC na maibigay ang insentibo bago sumapit ang Pasko para may magamit din ang mga atleta para sa kanilang sarili matapos bigyan ng karangalan ang bansa sa SEA Games,” wika ni Garcia.
Si lady cue-artist Irish Ranola ang tatanggap ng pinakamalaking insentibo na P200,000 matapos manalo ng dalawang ginto sa 8-ball at 9-ball event ng biliard competition.
Siya lamang ang lumabas bilang natatanging double gold medalist ng Pilipinas sa nasabing kompetisyon pero ang isa pang nagkaroon ng makinang na laro ay si Marestella Torres na binasag ang sariling SEA Games at Philippine record na 6.68 meters nang makalundag sa 6.71 meters.
Hindi pa naman tiyak kung may karagdagang insentibo mula sa PSC ang tatanggapin ni Torres sa kanyang naabot.
Ang mga bibigyan ay mga atleta pa lamang at isusunod naman ang gantimpala ng mga coaches ng mga nanalong atleta.