MANILA, Philippines - Kinuha ng University of Santo Tomas ang kanilang pang-apat na sunod na panalo sa UAAP Season 74 women’s volleyball tournament.
Ito ay matapos nilang igupo ang National University, 25-11, 25-21, 25-18, kahapon sa The Arena sa San Juan.
Humataw si Maru Banaticla ng 15 hits para sa Tigresses, habang may tig-8 points naman sina Maika Ortiz at Midori Hirotsuji.
“The girls’ morale at this point is high, and they improved a lot on their serves,” sabi ni UST coach Odjie Mamon.
Nagsalpak rin ang Tigresses ng limang service aces, dalawa rito ay mula kay setter Rhea Dimaculangan, laban sa Lady Bulldogs.
May 4-2 rekord ngayon ang UST matapos ang kanilang 0-2 simula at isasara nila ang first round eliminations laban sa nagdedepensang De La Salle.