MANILA, Philippines - Umarangkada ang opensa ng AirAsia Philippine Patriots sa ikalawang yugto upang angkinin ang 67-54 panalo laban sa host Thailand sa ‘To Be Number One Basketball Challenge’ kamakalawa ng gabi sa Nimibutr National Stadium sa Bangkok, Thailand.
Isang 24-8 bomba ang pinakawalan ng Patriots sa nasabing yugto upang ang dikitang bakbakan sa first period na natapos sa 21-21 ay naging 45-29 bentahe para sa bisitang koponan.
May 18 puntos si Anthony Johnson, si Nakiea Miller ay naghatid ng 12 puntos, 13 rebounds at 5 blocks, habang si Ardy Larong ay may 11 puntos sa 11 minutong paglalaro upang mapatahimik ng inaugural champion ng ASEAN Basketball League ang mga manonood na kinabilanganan ni Thai Princess Ubolratana.
Makakaharap ng koponang pag-aari nina Dr. Mikee Romero at Tony Boy Cojuangco ang expansion team mula Pilipinas na San Miguel Beermen na nanaig sa Singapore Slingers, 79-69, sa isa pang laro.
May 21 puntos ang Fil-Italian guard na si Chris Banchero, habang sina import Darlon Johnson at Jun-Jun Cabatu ay nag-ambag ng 17 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod para maitakda ang All-Philippine team finals.
“Kailangang magkaroon kami ng magandang plano lalo na sa depensa at dapat na mapigilan si Chris Banchero,” wika ni rookie coach Glenn Capacio.
Kumbinsido si Miller na kayang manalo ng Patriots upang selyuhan ang pagiging top favorite ng koponan sa ikatlong season ng ABL sa Enero 14, 2012.
“We are ready for them. We don’t want to lose and I’m pretty sure they are feeling the same,” ani Miller.