MANILA, Philippines - Tiyak na hindi makakalimutan ni coach Tim Cone sina Gary David at rookie Marcio Lassiter.
Mula sa kanyang mainit na mga kamay, tinulungan ni David ang No. 8 Powerade na talunin ang No. 1 B-Meg sa overtime, 131-123, sa kanilang sudden-death match para angkinin ang ikalawang semifinals ticket sa 2011-2012 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart-Araneta Coliseum.
Makakasagupa ng Tigers ang magwawagi sa quarterfinals showdown ng No. 4 Ginebra Gin Kings at No. 5 Rain or Shine Elasto Painters para sa best-of-seven semifinals series na magsisimula sa Enero 4, 2012.
Naunang pinuwersa ng Powerade ang B-Meg sa isang 'winner-take-all' game nang angkinin ang 97-88 panalo noong Miyerkules na tinampukan ng 32 points ni David at 24 ni Lassiter.
“Ginawa ko lang talaga lahat ng makakaya ko para manalo ang team namin,” sabi ni David, umiskor ng 37 points na tinampukan ng kanyang 8-for-13 shooting sa three-point line.
Ang Llamados at nagdedepensa at No. 2 Talk 'N Text Tropang Texters ay nagbitbit ng 'twice-to-beat' advantage sa quarterfinals.
Huling nakapasok sa semis ang Tigers noong 2004 Fiesta Conference at sa Philippine Cup noong 2003.
Kinuha ng B-Meg ang 107-100 lamang sa huling 3:37 ng fourth quarter bago ang ratsada nina David, Lassiter, JVee Casio at Doug Kramer para itabla ang laro sa 112-112 sa 1:02 nito.
Itinulak ni David sa overtime period ang laro, 115-115, mula sa kanyang tres sa natitirang 11.7 segundo.
Ipinoste ng Tigers ang 125-117 abante sa 1:58 ng extension kasunod ang arangkada nina James Yap, Kerby Raymundo at PJ Simon upang ilapit ang Llamados sa 123-125 sa 45.4 segundo.
Isinalpak naman ni Lassiter ang isang tres sa nalalabing 23.2 segundo para ilayong muli ang Powerade sa 128-123.
Powerade 131 - David 37, Casio 22, Lassiter 19, Anthony 13, Vanlandingham 11, Kramer 10, Cruz 6, Antonio 6, Adducul 4, Lingganay 3, Allera 0, Crisano 0.
B-Meg 123 - Raymundo 26, Simon 25, Yap J. 23, Pingris 14, De Vance 11, Barroca 10, De Ocampo 7, Reavis 3, Urbiztondo 2, Yap R. 2.
Quarterscores: 23-30; 47-57; 78-87; 115-115; 131-123 (OT)