MANILA, Philippines - Bilang No.1 at No. 2 teams sa quarterfinal round bitbit ang ‘twice-to-beat’ advantage, isang panalo lamang ang kailangan ng Llamados at Tropang Texters para makaabante sa semifinal round.
Nakatakdang sagupain ng B-Meg ang Powerade ngayong alas-7:30 ng gabi, habang lalabanan ng nagdedepensang Talk ‘N Text ang Barako Bull sa alas-5:15 ng hapon sa 2011-2012 PBA Philippine Cup sa Smart-Araneta Coliseum.
Sumasakay sa isang eight-game winning streak ang Llamados ni coach Tim Cone sa pagharap sa Tigers ni Bo Perasol.
“Dito na sa quarterfinals makikita ‘yung mga itinatago ng bawat teams, mga players,” wika ni two-time PBA Most Valuable Player James Yap ng B-Meg. “Kaya hindi kami puwedeng magkumpiyansa kahit No. 1 team kami.”
Tumapos ang B-Meg na may 10-4 rekord at angat sa quotient laban sa Talk ‘N Text (10-4) kasunod ang No.3 Petron Blaze (9-5), No. 4 Barangay Ginebra (9-5), No. 5 Rain or Shine (8-5), No. 6 Meralco (8-6), No. 7 Barako Bull (6-8) at No. 8 Powerade (6-8).
Huling biniktima ng Llamados ang sibak nang Shopinas.com Clickers, 86-74, noong Disyembre 8.
Bukod kay James Yap, aasahan rin ng B-Meg sina Joe Devance, Kerby Raymundo, Marc Pingris, PJ Simon, Roger Yap at rookie guard Mark Barroca katapat sina Gary David, No. 1 overall pick JVee Casio, Mario Lassiter, Sean Anthony at Doug Kramer.
Nanggaling rin sa panalo ang Tigers matapos kunin ang 99-95 tagumpay laban sa Energy noong Disyembre 6.
Sa unang laro, pilit namang babangon ang Tropang Texters mula sa isang 82-96 pagyukod sa Gin Kings noong Linggo sa pagsagupa sa Energy, nagmula sa 95-99 kabiguan sa Tigers.
Sina 2011 PBA MVP Jimmy Alapag, Kelly Williams, Jayson Castro, Ryan Reyes at Harvey Carey ang ibabandera ng Talk ‘N Text, nagkampeon sa nakaraang PBA Philippine Cup at Commissioner’s Cup, kontra kina two-time PBA MVP Willie Miller, Danny Seigle, Wynne Arboleda, Paul Artadi at Mic Pennisi ng Barako Bull.