MANILA, Philippines - Tumibay ang paghahabol ng NLEX at Big Chill para sa insentibong ibibigay sa mangungunang dalawang koponan matapos ang eliminasyon nang kalusin nila ang mga nakaharap sa PBA D-League Aspirant’s Cup kahapon sa Meralco Gym sa Ortigas Avenue, Pasig City.
Hindi bumaba sa 23 puntos ang ginawa ng Road Warriors sa bawat quarter upang ipakita ang malakas na opensiba at mailista ang ikatlong sunod na panalo makaraang igupo ang DUB Unlimited, 97-62.
Ang panalong ito ng Road Warriors ang nag-angat sa kanilang kartada sa 4-1.
Si RR Garcia ay may 21 puntos habang 15 puntos at 10 puntos ang ibinagsak pa nina Calvin Abueva at Clifford Hodge upang idikit ang nagdedepensang NLEX sa dalawang larong agwat sa nangungunang Freego Jeans at Cebuana Lhuillier na may magkatulad na 6-1 baraha.
Nauna rito, humirit ng 96-83 tagumpay ang Big Chill sa PC Gilmore sa unang bakbakan.
May 24 puntos si Jopher Custodio habang 22 naman ang ginawa ni Jessie Collado at ang dalawa ay nagtambal sa 12 of 21 shooting sa 3-point line upang ang Super Chargers ay magkaroon na ng 6-3 karta.
Anim na tres ang ginawa ni Custodio sa first half na kung saan tumapos ito taglay ang 22 puntos para bigyan ng 46-36 kalamangan ang Big Chill.
Napababa ng Wizards ang bentahe sa 85-81, pero kumawala ng 9-2 palitan ang Super Chargers na nilakipan ng pang-anim na tres ni Collado tungo sa tagumpay.
Nalaglag ang Wizard sa 0-5 baraha habang 1-6 na ang Wheelers para malagay na sa peligro ang paghahabol na makaiwas sa maagang bakasyon.
Ang mangungulelat na limang koponan matapos ang isang round elimination ay agad na masisibak sa tagisan.