MANILA, Philippines - Ipinakita uli nina Efren “Bata” Reyes at Rubilen “Bingkay” Amit ang husay sa paglalaro ng bilyar nang hirangin uli bilang kampeon sa World Mixed Doubles Classic sa Hangzhou, China.
Hindi umubra ang tambalang Johnny Archer at Jeanette Lee ng US matapos iuwi nina Reyes at Amit ang 10-6 panalo sa finals na ginanap noong Biyernes.
Ang tagumpay ay nagpanatili sa Pilipinas ng kampeonato sa World Mixed Doubles na unang dinomina noong 2009 nang talunin sina Charlie Williams at Eun Ji Park.
Halagang $15,000 ang premyong paghahatian ng dalawang Filipino cue-artist at pinawi ng panalo ang di magandang kampanya sa 26th SEA Games sa Indonesia.
Umani lamang ng dalawang bronze medals si Reyes sa larangan ng 1-cushion at 3-cushion singles sa carom habang naisuko ni Amit ang mga hawak na titulo sa women’s 8-ball at 9-ball singles.
Nakapasok sa semifinals sina Reyes at Amit nang pagpahingahin sina Li He Wen at Chen Siming ng host China sa dikitang 9-8 panalo.
Umabot sa 16 koponan ang lumahok sa edisyong ito at si Reyes ang lalabas sa kasaysayan na pinakamatandang cue artist na nanalo sa open tournament sa edad na 56.